Saturday, February 14, 2009

Mangyari Lamang



Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nagmamahal
Nang makita ng lahat
Ang kagandahan ng mukha ng pag-ibig
Ipamalas ang tamis
Ng malalim na pagkakaunawaan
Sa mga malabo ang paningin.

Mangyari lamang ay tumayo rin
Ang mga nagmahal at nasawi
Nang makita ng lahat
Ang mga sugat ng isang bayani
Ipadama ang pait ng kabiguan
Habang ipinagbubunyi
Ang walang-katulad na kagitingan
Ng isang nagtaya.

Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nangangambang magmahal
Nang makita ng lahat
Ang kilos ng isang bata
Ipamalas ang katapatan ng damdamin
Na pilit ikinukubli
Ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata

Mangyari lamang ay tumayo
Ang mga nagmahal, minahal, at iniwan
Ngunit handa pa ring magmahal
Nang makita ng lahat
Ang yaman ng karanasan
Ipamalas ang mga katotohanang nasaksihan
Nang maging makahulugan
Ang mga paghagulhol sa dilim

At sa mga nananatiling nakaupo
Mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis papalabas
Sa nakangangang pinto
Umuwi na kayo
At sumbatan ang mga magulang
Na nagpalaki ng isang halimaw.

At sa lahat ng naiwang nakatayo
Mangyari lamang ay hagkan ang isa’t isa
At yakapin ang mga sugatan
Mabuhay tayong lahat
Na nagsisikap na makabalik sa ating pinagmulan

Manatiling masaya
At higit sa lahat magpatuloy
Sa pagmamahal.

No comments: